Gumising sa Halina ng Inang Maria

Isa sa pinakamaaga kong alaala ng Simbang Gabi ay ang panggigising ng aking nanay. 


Hindi ito matiwasay na pagbangon. Nagulantang ako dahil parang nanghihinayang ang nanay ko habang kinakalog akong may kalakasan. Huling huli na kami sa misa at ayaw naming malihis sa nakasanayang pagbubuo ng siyam na araw. Ilang araw na rin kaming walang palyang sumisimba kaya’t madaling madali ang pagbihis namin para lumarga. Tumakbo kami tungo sa parokya, isang paahon na kalye ang layo. 


Bakit nga ba tayo nagsisimba siyam na umaga bago ang pagdating ni Hesus? 


Mga natatanging katangian

Sa pagmimisyon ng mga ordeng Espanyol sa ating mga isla noong ika-16 siglo ay unti-unting lumaganap ang Misas de Aguinaldo, isang misa nobenaryong alay sa Birheng Maria na nagmula sa Espanya at Mexico. Madalas mapagkamalang Misa de Gallo, ang ipinagdiriwang sa bisperas ng Pasko, ngunit naiiba ang Misas de Aguinaldo dahil sa taglay nitong mga aspetong debosyonal.


Ang Misas de Aguinaldo, o sa katawagan natin, Simbang Gabi, ay nangangahulugang mga misa ng regalo. Regalo ito sa atin at regalo natin sa Diyos ang sariling nagbabantay para sa kanyang kadakilaang pagdaating. May iba’- ibang katiting na regalo ring matatanto, tulad ng mga ‘di inaasahang realisasyon sa bawat misa.


Ang mga misang ito ay may espesyal na pagbubulay sa buhay ni Maria, sa mga propesiya tungkol kay Hesus, at sa Banal na Pamilya. Naiiba ang daloy ng mga misang ito sa mga pang-araw-araw na misa dahil iba ang mga pagbasa at dasal na ginagamit dito at sumesentro ito sa naratibo ng pagdating ng Mesiyas na si Hesus. 


Mahalagang masilayan ang mga Simbang Gabi dahil mas malalim ang pag-arok nito sa katotohanan ng Paskong pinakaaabangan.


Nahinuha ng historyador na si Fr. Fidel Villaroel, O.P. mula sa
Decreta Autentica II ni A. Gardellini na noong 1676 ang mga misang ito ay may mga katangian tulad ng ito ay isinasagawa siyam na araw bago ang Kapanganakan ni Kristo at tuwing bago magbukang liwayway. Ito rin ay ipinagdiriwang sa karangalan ng Mahal na Birheng Maria at may karagdagang popularidad.


Ang pagpapatuloy ng mga misang ito, ayon sa salin ni Villaroel ng
Decreta, ay nakapaloob sa tagal ng presensya nito, sugid ng pagdedebosyon sa Birheng Maria, at pagkakaroon ng intensyon para sa ikabubuti ng komunidad.


Pagbabaybay ng saloobin ng Diyos

Minsang katwiran sa pagsimba sa mga misang ito ay ang mga maaaring madamang kagalakan. Subalit hindi nakukulong sa kagalakan ang panahong ito dahil pati ang Banal na Pamilya ay kinailangang lusutan ang ilang suliranin bago mahayag ang pagdating ng kaligtasan sa mundo. 


Ang pagbitbit ng Birheng Maria ng Sanggol sa sinapupunan ay sinasariwa natin sa bawat paggising at, sa kaso ng anticipated na Simbang Gabi, bago matulog. Marahil magiging mahirap dumalo sa mga misang ito buhat ng ilang pagod, sakít, pagdududa, at iba pang atúpagín na mahalaga rin ngunit kailangang pagtuunan ng lakas kasabay ng pagpapalalim ng pananampalataya. 


Sa kasalukuyan ang mga Simbang Gabi ay tanging sa Pilipinas na lamang ipinagpapatuloy at sa kung saan pa man may komunidad ng Pilipino na nagiinisyatiba sa ibang parte ng mundo. Matagal nang nawala ang nasabing tradisyon sa mga pinagmulang lupain dahil sa pangangailangan ng  pagpapahalaga sa Eukaristiya at ang mga napapaloob sa misa. 


Ang ating pakikiisa sa mga misang ito taon-taon ay uri ng pagpapatibay ng pananampalataya bilang komunidad na umaasa sa Diyos.


Maria, gabay tungo kay Kristo

Maaaring may mga sarili rin tayong dahilan, gaano man kababaw o kalalim, na dala sa bawat pagsimba. Lahat ng bitbit nating saloobin ay lehitimo. 


Ang paghahandang ito para sa Pasko ay pagkakataon din na magbalik loob sa Diyos. Ihandog natin ang bawat hinaing para sa pagdating ni Hesus. Maging bukas tayo sa kalooban ng Diyos tulad ni Maria na binahagi ang Anak ng Diyos sa ating kasaysayan.


Sa mga Simbang Gabi ay sinasamahan natin ang Inang Maria sa kanyang paglalakbay espiritwal tungo sa pagluwal ng pagpapalang ipinagkaloob sa kanya ng Diyos Ama. 


Napakaagang magbubukas ng mga pintuan ng simbahan at kapilya sa mga susunod na araw. Nawa’y gisingin tayo ng Inang Maria sa pagmamahal na kanyang ibinibigay sa pamamagitan ni Kristo. Nawa’y maging buo ang loob natin nang sa pagdaan ng mga Simbang Gabi ay magningning si Kristo sa buhay ng bawat isa.



Para sa iba pang kaalaman tungkol sa Misas de Aguinaldo, maaaring basahin ang akda ni Villaroel dito:
https://philsacra.ust.edu.ph/admin/downloadarticle?id=FCD95527799C11F56913946F2E548266&fbclid=IwAR0oZ96sWBOFmgZwrCBB8rbIhEM6dKKteAqcfMwK1OA2FUiusIaPoELygys




Martin Singh | OLA Social Communications


By KN Marcelo | OLA Social Communications February 5, 2025
Gaya ni San Blas, huwag nawa tayong mag-alinlangang ipagtanggol ang ating pananampalataya. Huwag tayong matakot sa pangungutya o pag-uusig.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications February 5, 2025
Kapag binigay natin nang buo ang sarili at buhay sa Diyos upang ang plano Niya ang masunod, magkakaroon tayo ng kasiyahan, kapanatagan ng loob at kapayapaan na hindi natin matatagpuan makuha man natin ang lahat ng yaman sa mundo.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 28, 2025
Makikita ang karunungan sa ating buhay kung ginagamit natin lahat ng ating kakayahan at kaalaman para sa papuri sa Panginoon at upang tulungan ang iba na mapalapit sa Kanya.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 24, 2025
Si San Francisco ng Sales ay isang obispo at pantas ng Simbahan. Siya ay kilala bilang “the gentleman saint”.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 20, 2025
Maaaring hindi natin nararanasan ang pagdurusa na naramdaman ng santo na ating ginugunita ngayon, ngunit tayo ba ay patuloy na naninindigan sa ating pananampalataya?
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 19, 2025
Malapit sa puso ng mga Pilipino ang debosyon sa Señor Sto. Niño. Sa wikang Ingles, ang ibig sabihin nito ay “Holy Child”. Ang “Holy Child” na ito ay walang iba kundi si Hesus.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 17, 2025
Isa sa kanyang sikreto sa kabanalan ay ang pagdarasal sa Diyos sa maraming beses sa isang araw, lalo na oras ng temptasyon mula kay Satanas.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 15, 2025
Tuwing ika-15 ng Enero ay ginugunita ng Simbahan ang kabanalan ni San Arnold Jannsen. 
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 12, 2025
Ang pagbibinyag ni Juan Bautista kay Hesus ay hudyat ng simula ng pampublikong ministeryo ng ating Panginoon. Magsisimula na ang tatlong taon Niyang pamamalagi sa mundo upang magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng demonyo at mangaral ng Mabuting Balita.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 9, 2025
Nakikita ng mga tao ang kanilang paghihirap sa paghihirap ng Panginoon. Dahil sa Kanya, nararamdaman ng bawat deboto na mayroong Diyos na pwede nilang lapitan – Diyos na handang dumamay sa kanilang pinagdaraanan at nakaiintindi sa kanilang nararamdaman.
More Posts
Share by: