Sa kultura ng mga Pilipino, nakasanayan na ng bawat isa na gunitain ang isang natatanging gawaing pang liturhiya na isinasagawa bilang hudyat ng pagsisimula ng mga Mahal na Araw; ang Linggo ng Palaspas. Bahagi ito ng marubdob na pananampalatayang Kristiyano na nagpapatibay sa koneksyon ng sambayanan sa Diyos bilang pag-alala sa dakilang pag-ibig na inihandog niya sa tao. Kasabay ng mga pagbabago dahil sa modernong panahon, ano na nga ba ang saysay ng araw na ito sa sambayanan? Ang Palaspas ba ay Maituturing pa rin ba’ng pag-alala sa matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Herusalem tungo sa kalbaryo upang tubusin ang sala ng tao?
Kung sasariwain natin ang kaganapan ng matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Herusalem na nasusulat sa Banal na Aklat, makikita natin ang matimyas na pagpupugay sa kaniya ng mga tao. Ganito rin ang diwa na ipinakikita ng araw na ito na kung saan Palaspas at Sambayanan ang pinaka punto at mukha na sumasagisag sa pagtanggap natin kay Hesus sa pamamagitan ng payak at pagpapakumbaba tulad niya. Ang Palaspas ay hindi lamang basta dahon na iwinawagayway at binabasbasan ngunit ito ay may nais na ipangahulugan sa atin bilang isang sambayanang kumikilala sa pag-ibig ng Diyos sa bawat isa; tulad ng matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Herusalem, pagtagumpayin din natin at patuluyin natin siya sa ating mga puso tulad ng masayang pagtanggap ng sambayanang Herusalem sa kanya.
Si Hesus ay nag-alay ng buhay sa Krus dahil sa pagmamahal niya sa atin. Ang araw nawang ito ay maging panimula ng pagsasariwa sa paghihirap at pagpapakasakit ng ating Panginoon. Isabuhay din natin ang diwang ipinamamalas sa atin ng Palaspas; isang payak at mapagkumbabang pagbabalik-loob sa Diyos bilang isang sambayanang nagpupuri at nagmamahal sa kanya bilang kanyang mga anak.
Gabriel Hans Ordoñez | OLA Social Communications