Inaalala natin ngayong araw si San Martin ng Tours. Siya ay nabuhay noong taong 316 mula sa mga paganong magulang. Ngunit, dahil sa impluwensya at mabuting halimbawa ng Kristiyanismo, ninais niyang magpabinyag at sinimulan niya ang malalim na pag-aaral ng pananampalatayang Katoliko noong siya’y sampung taong gulang. Makikita sa kanyang buhay kung paano siya naging instrumento ng Diyos. Noong naging sundalo si San Martin, nagkaroon ng pangyayari kung saan nakakita siya ng taong walang damit na nahihirapan sa panahon ng taglamig. Dahil walang tumutulong sa taong ito, pinili niya na punitin ang damit na mayroon siya at hatiin ito upang ibigay sa nangangailangan habang ang kalahati ay para sa kanyang sarili. Sa kabila ng kanyang paghihirap dahil sa panahon ng taglamig, inisip niya pa rin ang kanyang kapwa dahil alam niya na sa pamamagitan nito ay nagpapakita rin siya ng kanyang pag-ibig kay Hesus. Matapos ang kanyang panahon bilang sundalo, siya ay naging pari at naging obispo. Nagbago ang kanyang nanay at pinangunahan ni San Martin ang pagpapatayo ng maraming mga tahanan para sa mga monghe at mga mabuting ehemplo ng pagdarasal at pagsisilbi sa Diyos.
Sa ating buhay, maaaring ang mga magulang natin ay bininyagan bilang Katoliko, ngunit hindi natin maitatanggi na may pagkakataon na hindi nila isinasabuhay ang kanilang pananampalataya. Ngunit, hindi ito dahilan para magpasabay tayo sa daloy ng mundo. Sa halip, tulad ni San Martin ng Tours, dapat ay maging masigasig tayo na alamin ang ating pananampalataya at isabuhay ito. Sa tulong ng ating dasal at mabuting gawa, magiging instrumento tayo ng Diyos upang ang mga taong malapit sa atin at ang ating kapwa ay magbalik loob sa Panginoon. Hindi lamang iyon kundi tayo ay pinapaalalahanan na ang pagpapakita natin ng pagmamahal sa mga tao sa paligid natin ay paraan ng pagpapakita natin ng pagmamahal sa kay Hesukristo. Maaaring hindi tayo pari o obispo. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na wala tayong misyon sa Diyos. Alamin natin sa ating dasal kung ano ang ating misyon dahil sa pagpupursige dito, tayo ay magiging instrumento ng pag-ibig ng Diyos.
San Martin ng Tours, ipanalangin mo kami.