Ngayong araw ay ginugunita natin ang pagdadala sa Mahal na Birheng Maria sa Templo. Ayon sa tradisyon ng ating Simbahan, noong si Maria ay nasa tatlong taong gulang, kinausap niya ang kanyang mga magulang upang dalhin at iaalay siya sa Diyos sa Kanyang Templo. Noong sila ay nakarating sa templo, hinalikan ni Maria ang kamay ng kanyang mga magulang, humingi sa kanila ng basbas, tumalikod, at umakyat sa hagdan papunta sa loob ng Templo. Ito ay simbolismo kung paano tinalikuran ng Mahal na Birheng Maria ang mundo upang ibigay ang kanyang sarili sa Diyos. Kada sandali ay lumalago siya sa kabutihan at kabanalan. Noong siya ay nasa templo, siya ay naging modelo ng pagdarasal at ipinagdarasal niya ang pagdating ng Tagagapagligtas, na noong panahong iyon ay hindi niya pa nalalaman na siya ang tinakda maging Ina ng ating Panginoong Hesukristo.
Ang pagpasok ni Maria sa templo ng Diyos ay nagrerepresenta kung paanong tayo ay tinatawag na lumapit sa Kanya na nananahan sa Templo ng ating katawan. Sa ating mundo, napakaraming tukso na naglalayon upang tayo ay magkasala at masira ang relasyon sa ating Panginoon. Tulad ni Maria, talikuran natin ang mundo upang maialay natin ang ating puso sa Diyos. Kung mayroon sa atin ang nakakaramdam na tinatawag ng Diyos upang maging pari, madre, “consecrated lay” at iba pa, huwag tayong matakot tulad ng kung paanong matatag ang ating Mahal na Ina sa kanyang misyon. Kahit tayo ay namumuhay sa mundo, hindi ibig sabihin nito ay magpapadala tayo sa agos ng mundo. Sa tulong ng grasya ng Diyos, iwasan natin ang mga tukso na nasa “social media”, sa mga telebisyon, pelikula, at sa masamang impluwensya sa ating pamilya at mga kaibigan. Higit sa lahat, tandaan natin na may responsibilidad ang mga magulang na maging modelo ng panalangin at turuan ang kanilang mga anak sa pananampalataya. Magkakaroon lamang ng pagbabago sa ating buhay kung iaaalis natin sa ating buhay ang mga bagay na hindi naman nakakatulong sa ating espiritu at palitan ito ng mga oras para sa panalangin tulad ng Misa, pagdarasal ng rosaryo, pagbabasa sa Salita ng Diyos at iba pa. Tunay na mapalad ang nag-aalay ng kanilang buhay sa pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Diyos.
O Mahal na Birheng Maria, ipanalangin mo kami.